Isáng gabing sakdál-dilím ay nagyukayók si Tikbalang sa tabi ng isang punong-kawayan at sa lakí ng kaniyáng kapaguran ay naidlíp. Mayá-mayâ ay kumukak si Palaka nang walang humpay. Si Tikbalang ay nagulantáng at na yamót sa kinákukukak ni Palakâ kaya't buóng poót na tinawag at inusisà.
Palakâ, Palakâ, bakit walâ kang humpáy ng kákukukak? Hindi mo ba nálalamang malalim na ang gabi at ikaw ay nakabubulahaw?"
Panginoón ko, huwag pô ninyong ikagalit ang aking kaingayan sapagka't dala-dalá pô nitong si Pagong ang kaniyáng bahay at akó ang nilalapitan; kung akó pô ay mádaganán niyá di ako'y mamámatay? Iyán pô ang dahilan kung bakit ako nagpápagibík. Kukak, kukak!
"Pagóng," ang hiyáw ni Tikbalang, "Pagóng, lumapit ka rito, Bakit dala-dalá mo ang iyong bahay kahit saan ka paroón?"
"Panginoón ko," ang tugón ni Pagóng. "Dala-dalá ko po ang aking bahay saanmán akó paroón, dahil sa si Alitaptáp ay may daláng apóy, nangánganib pô akó na bakâ niyá sunugin ang aking bahay, kayâ pô kahit akó nagkákampu. putot ay inilalayo ko sa panganib ang aking bahay."
"Alitaptáp!" ang namumuhing tawag ni Tikbalang. "Alitaptáp, lumapit ka rito, bakit may dalá kang apóy? Dahil sa takot na masunog mo ang bahay ni Pagóng ay daladalá niyá ang kaniyáng bahay saanmán paroón at nádaganán tuloy si Palakâ na nagpápagibík, at ako ay nagising. Magsabi ka,
bakit may dalá kang apóy?""Huwág po kayong magalit. Panginoón ko. Nápakaliit ko pô at kaín-kainín akó ng lahát ng hayop. Hindi na pó sana bali ang ako'y kanilang saktán. Nguni't si Lamók pô ay kamuhi-muhi. Sinigid na akó at halos naubos ang aking dugô, ay kinantiyawán pa ako at bulong nang bulong Ang ginawa ko po ay kumuhâ ako ng apoy at siya ay aking pápasuin."
"Lamók, saán nároón si Lamók?"
At si Lamók ay lumapit na búbulung-bulóng.
"Lumapit ka. Sinigid mo na si Alitaptap ay binubulungán mo pa? Bakit ganyan ang ugali mo? Tumugón ka at nang di kitá patayin."
"Huwag ka pong mamuhi, Panginoón ko. Wala po akóng ginagawa paglapit ko kay Alitaptap kundi magsabi lamang na pahingin akó ng kaunting dugô, at kung ako po ay mabusóg na, napasásalamat namán akó. Masamá pô ba iyon?"
Kinamot ni Tikbalang ang kaniyang ilong at tila iniisip ang pakli ni Lamók. Nguni't si Lamók ay bumulong na humihingi ng kaunting dugo kay Tikbalang at sinabayan ng dapò sa ilong at sinigid nang ubos-tindi.
Tinampal ng kaniyang manipis na palad si Lamók at ang kulang-palad ay napisâ at namatáy sa tungkil ng ilóng ni Tikbalang.
"Ikaw ang may-kasalanan, Lamók, at habang nabubuhay ang iyong lipì ay susunugin at púpuksain kayó ni Alitaptáp. At pinahihintulutan ko nang dalhin ni Pagóng ang kaniyang bahay saanmán paroón, at gayundin, di ko na ikamumuhî ang kákukukák ni Palaka. Ito ang huling pasyả.
At buhat noón sa mga punungkahoy, kung gabí, ay nangniningning na ang mga alitaptáp: Si Palaka ay kukak nang kukak at dala-dalá ni Pagóng ang kaniyáng bahay saanmán patungo.
Itó ang naging bunga ng poót ni Tikbalang.
Buhat sa Pánitikán para sa Mataás na Páaralán, ika-2 Taón nina Sebastian, del Mundo at Mariano